Nababahala si Sen. Imee Marcos na magdulot lamang ng mas malawakang dayaan ang mungkahi ng Commission on Elections (COMELEC) na gawing tatlong araw ang halalan sa 2022.
Inihayag ito ng senadora kasunod ng pagtutol din nito sa mungkahi ni Pampanga 2nd District Rep. Juan Miguel Arroyo na suspindihin ang 2022 national at local elections bunsod na rin ng banta ng COVID-19.
Sa panayam ng DWIZ kay Marcos, binigyang diin nito na wala siyang nakikitang dahilan para hindi matuloy ang eleksyon sa 2022 lalo’t ngayon pa lamang, marami nang mga bansa ang nakapagdaos ng halalan.
Palagay ko unnecessary naman, higit sa lahat hindi talaga pwede, sa totoo lang kasi nandyan sa ating konstitusyon kailangan sundan natin, tatalima tayo dyan at in reality may mga pangkat na nakapag-eleksyon na wala namang problema. Sa kabila yung iba na medyo developing pa okay naman yung takbo ang we know next November the US will be holding its election at alam nating ang dami-daming botante nyan hindi naman sila nag-postpone, sa palagay ko ituloy na,” ani Marcos.
Bagama’t batid ni Marcos na nagiging praktikal lamang ang COMELEC sa naging mungkahi nito, kailangan pa rin aniya itong idaan sa masusing pag-aaral bago tuluyang ipatupad.
Yung sinasabi ni COMELEC Jimenez kailangan pakinggan natin na i-explore natin ang iba’t-ibang paraan ng pagboboto kasi hindi tayo sure kung lahat ay makakapila talaga, sabi nga n’ya willing daw s’ya kahit tatlong araw magtrabaho ang COMELEC, okay lang kahit tatlong araw na eleksyon. Pero syempre takot din tayo dun, ‘pag long playing mas maraming dayaan mas nakakanerbyos,” ani Marcos. — panayam mula sa Usapang Senado.