Kinakailangan pa ng mas malalim na pag-aaral ang mungkahi ng National Youth Commission (NYC) na paghiwalayin ang classroom ng mga babae at lalake mula Grades 7 hanggang Grades 12.
Ito, ayon kay Department of Education (DepEd) undersecretary at spokesperson Nepomuceno Malaluan, ay dahil hindi lamang ganoon kasimpleng ipatupad ang naturang panukala lalo na’t marami ang dapat na ikonsidera hinggil dito.
Kailangan aniyang magsumite mismo ang NYC ng pag-aaral hinggil sa kanilang mungkahi upang pagtibayin ito at upang maikonsidera bilang isang seryosong panukala.
Unang-una aniyang kailangan ikonsidera sa mungkahi ng NYC ay kung ‘feasible’ ba o posible bang maisagawa na paghiwalayin ang classroom ng mga babae at lalaki.
Kailangan magbigay ang NYC mismo ng pag-aaral tungkol diyan, dahil hindi ganyan kasimple ang proposal na ‘yan,”
Madaming considerations diyan, una ay feasible ba ‘yan na ipatupad,” ani Malaluan.
Sa ngayon, ani Nepomuceno, ang pinakamalaking hamon sa DepEd ay ma-upgrade pa ang kalidad ng edukasyong naibibigay sa mga mag-aaral.
Baka kailangan niya pa ng mas malalim na pagaaral for it to be taken as a serious proposal,” ani Malaluan.
Gayunman, mahalaga aniya ang pagkakaroon ng sex education sa mga mag-aaral na makatutulong para sa mas responsableng mga hakbang at desisyon sa kanilang pamumuhay.
Magugunitang iminungkahi ito ng NYC matapos lumabas ang panibagong report ng tumataas na kaso ng teenage pregnancy at HIV sa bansa. — sa panayam ng Ratsada Balita