Ipinag-utos ni Navotas City Mayor Toby Tiangco na isara muna ang Navotas City hall at ang Centennial park kasunod ng pagsipa ng kaso ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay, Mayor Tiangco, nakakaalarma umano ang bilang ng mga nagpopositibong empleyado sa munisipyo sa kabila na hindi naman mga close contact ang mga ito.
Higit 2,000 na empleyado ng City hall ang isinailalim sa mandatory swab testing nitong Huwebes at karagdagang 46 ang nagpositibo sa virus.
Tinutukoy na dahilan ng epidemiologist ng Navotas batay sa pahayag ni Mayor Tiangco na dahil sa proses ng paghahanap ng trabaho kaya’t nahawaan ng COVID-19 ang mga residente.
Dagdag ni Tiangco, posibleng isa sa dahilan ng pagsirit ng COVID-19 case sa lungsod ay ang mas maluwag na curfew.
Samantala, patuloy na tinutukoy ng Philippine Genome Center ang samples na ipinasa ng Navotas upang malaman kung anong COVID-19 variant ang dumapo sa mga pasyenteng nagpositibo sa virus.
Kaugnay nito, nasa 5,955 na ang kabuuang bilang ng kumpirmadong kaso sa Navotas City nitong Huwebes at 238 sa mga ito ay aktibong kaso.—sa panulat ni Agustina Nolasco