Binuo ng lokal na pamahalaan ng Mandaluyong City sa pangunguna ni Mayor Menchie Abalos ang isang munting palengke na matatagpuan sa City Hall compound kung saan maaaring makabili ng mas murang karne ng manok, baboy at baka.
Ito ay bilang pagtugon ng lungsod sa pagtaas ng presyo ng karne sa mga pamilihan sa bansa, partikular na ng karne ng baboy dulot ng African Swine Flu (ASF).
Naisakatuparan ang proyekto sa tulong na rin ng Department of Agriculture, Department of Trade and Industry at Metropolitan Manila Development Authority.
Pinangalanan itong ‘I MEAT YOU’ na may slogan na ‘Munting Palengke, Murang Karne’ na nagbukas nitong Lunes (Pebrero 15) na tatagal lamang hanggang Biyernes (Pebrero 19) mula alas-8 ng umaga hanggang ala-5 ng hapon.—sa panulat ni Agustina Nolasco