Nagdududa ang isang consumer group dahil sa tila misteryosong pagkawala ng mga murang commercial rice sa mga supermarket.
Ito’y ayon sa grupong Laban Konsyumer Inc. matapos na ganap na maisabatas ang Republic Act 11230 o ang rice tarrification law.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Atty. Victorio Dimagiba, convenor ng LKI, kaduda-duda aniya ang ginagawang ito ng mga supermarket dahil sa biglaang pagkawala sa kanilang stockpile ng mga murang bigas.
Dahil dito, hinimok ni Dimagiba ang publiko na i-report sa mga kinauukulang ahensya o kagawaran kung may mga supermarket na wala pa ring suplay ng murang bigas.
“Yung P35 na well-milled imported rice atsaka yung P39 nila, siguro dalwa yung variety: class A, class B wala. Pero yung lahat ng iba pang rice nila yung mamahalin na kumpleto, ang dami. So, kailangan natin obserbahan yan yung mga nakikinig, siguro mag-report kayo sa pamahalaan kung mapapansin niyo rin sa grocery, supermarket kung saan kayo pumupunta kung meron pa bang sapat na commercial na P35 rice.” Pahayag ni Atty. Dimagiba.
Sa ilalim kasi ng nasabing batas, ginagarantiya nito sa publiko na mayruong murang bigas sa lahat ng mga pamilihan maliban pa sa NFA rice na nabibili sa halagang P35 kada kilo.
Una nang kinuwesyon ng ilang magsasaka ang rice tariffication law dahil sa ito anila umano ang siyang papatay sa industriya ng lokal na pagsasaka dahil sa pagbaha ng mga inangkat na bigas ng pribadong rice millers sa ibang bansa.
Sa panig naman ng SINAG o Samahang Industriya Ng Agrikultura, sinabi sa DWIZ ni Ginoong Rosendo So na isang proteksyon sa mga magsasaka ang nasabing batas dahil lalawak ang kompetisyon para makabenta ng murang bigas sa merkado.
“Itong bagong batas na ito na hindi kontrolado ng NFA yung import perment, ibig sabihin, maski ikaw, maski ako pwede ring mag-import na hindi kontrolado ng ilan-ilan. So mas mahirap i-control ito pati yung mga retail yung mga groceries, yung mga dating hindi nagbebenta ng bigas pwede na mag-benta ng bigas doon sa merkado at leatst hindi lang sa isang lugar kundi ilan-ilan ang makakabenta ng bigas.” Ani So.