Nagpahayag ng suporta ang Muslim community sa Quiapo, Maynila para sa tradisyunal na Traslacion ng poong Itim na Nazareno sa Huwebes, Enero 9.
Ito’y ayon kay Fr. Douglas Badong, Parochial Vicar ng Basilica Minore ng Itim na Nazareno bilang bahagi na rin ng kanilang paghahanda sa malaking pagdiriwang.
Ayon kay Fr. Badong, nakipag-usap na si NCRPO chief P/BGen. Debold Sinas sa mga pinuno ng iba’t ibang Muslim community sa lugar at tiniyak naman ng mga ito ang kanilang pakikiisa sa okasyon.
Nag report si General Sinas, pinuntahahan niya itong mga leader dito sa Muslim area, at ang sabi nila they are willing to support. Maglalagay pa daw sila ng mga poster na pakikiisa nila. Wala naman daw problema sakanila itong prusisyon,” ani Fr. Douglas Badong.
Kasunod nito, muling nakiusap si Fr. Badong sa lahat ng mga deboto na unawain ang mga pagbabago sa seguridad gayundin sa ruta ng Traslacion at isa-isip ang disiplina para sa kaayusan ng prusisyon.
Hindi po namin ipinagdadamot ang Nazareno. Kung gusto niyo mahawakan, hawakan po niyo yan. Wala pong mag babawal sainyo. Gusto lang natin maging orderly ang prusisyon. Katulong natin ang kapulisan sa pagsasaayos (ng Traslacion),” dagdag pa ni Fr. Badong sa panayam ng DWIZ.