Pinagbabayad ng MWSS ang Maynilad sa mga customer nitong nagrereklamo ng tila kulay putik na suplay ng tubig sa gitna na rin ng water interruption schedule.
Kasunod na rin ito nang ibinigay na sulat ni MWSS Chief Regulator Patrick Ty sa Maynilad na mayroong 15 araw para sumagot kung paano mabibigyan ng kompensasyon ng mga apektadong customers nito.
Sinabi ni Ty na pinag-aaralan na ngayon ng Maynilad kung ano ang uubrang gawin para makabawi sa mga customer nila matapos ang isinagawa nilang pulong hinggil sa usapin.
Ayon kay Ty ipinaliwanag niya sa Maynilad na kailangang ayusin ang sitwasyon at ang binabayarang tubig aniya ay potable water at ang maruming tubig ay hindi dapat pinababayaran.
Ang direktiba nila aniya ay wala sa concession agreement subalit nasa civil code.
Una nang inirereklamo ng Maynilad customers ang paglabas sa kanilang mga gripo ng anila’y mala-milk tea na kulay ng tubig.