Pinagmumulta ng Korte Suprema ng tig-P921-M ang Manila Water, Maynilad at Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS).
Ito, ayon sa botong 14-0 ng Supreme Court en banc, ay dahil sa paglabag sa Republic Act 9275 o Philippine Clean Water Act of 2004.
Sinabi ni Supreme Court Spokesman Brian Keith Hosaka na pinagtibay ng mataas na korte ang desisyon ng Court of Appeals sa dalawang magkahiwalay na kasong isinampa ng DENR.
Ang nasabing multa ay dapat mabayaran ng Manila Water, Maynilad at MWSS sa loob ng 15 araw pagkatanggap ng desisyon ng korte.
Nakasaad sa ruling na bigo ang dalawang water concessionaires na magtayo ng pasilidad para sa sewage treatment at sewage lines.
Tiniyak ni Manila Water Spokesman Jeric Sevilla na tutugon ang kumpanya sa utos ng korte kapag natanggap na ang kopya nito.
Ipinabatid naman ni Maynilad Spokesman Jen Rufo na maghahain sila ng motion for consideration hinggil sa naturang ruling.
with report from Bert Mozo (Patrol 3)