Isang nanay ang emosyunal dahil sa trauma na sinapit ng anak sa kamay ng mga ka-eskwela nito sa isang eskwelahan sa Pasig.
Kung ano ang pangyayari, alamin natin.
Sa isang viral video, makikita ang mga lalaking estudyante na nagkukumpulan sa gilid ng daan at isa sa kanila ang grade 10 student na nakasuot ng uniporme at nakaluhod sa semento dahil sa utos ng lalaking nakaputi na katabi nito.
Maririnig na maka-ilang beses nitong binantaan ang biktima na ‘umayos’ habang ilang ulit na sinampal at sinuntok pa.
Hindi rin nakaligtas sa background ng video ang boses ng mga kasama nilang lalaki na kinakantiyawan ang biktima na humingi ng sorry.
Ayon sa ina ng biktima, nalaman lang niya ang pambubully sa anak dahil may nag-send sa kanya ng video, kung saan nang tanungin niya raw ang kaniyang anak ay tanging iyak lang isinagot nito sa kaniya.
Kwento pa ng ina ng binatilyo, inabangan ng labas ng school ang kaniyang anak at dinala sa isang lugar kung saan ito pinaluhod, pinag-sorry, at pilit na pinaamin na ang anak niya ang nagpakalat ng isang conversation kahit na hindi naman daw ang anak niya may gawa nito, dahil kung hindi raw ito sumunod ay suntok ang aabutin.
Sinabi pa ng nanay na hindi lamang isa ang nanakit sa kaniyang anak kundi may iba pa.
Kaugnay nito, hindi matanggap ng nanay ng biktima ang 3-day community service na parusang ibinigay ng eskwelahan sa nam-bully sa kaniyang anak, kung saan tumanggi ang eskwelahan na magbigay ng pahayag kung bakit ganun lang ang parusang ibinigay nito sa nambully.
Nag-file naman na ng kaso ang pamilya ng binatilyo dahil sa labis na trauma at mayroon ng request para sumailalim ito sa counceling.
Siniguro naman ng Pasig City Government na nakikipagtulungan sila sa Schools Division Office ng Pasig para maaksyunan ang bullying incident.
Ikaw, ano ang masasabi mo sa mga bayolenteng pangyayaring ito?