Nakatambak lamang umano sa isang government hospital sa Lucena City, Quezon Province ang mga bangkay ng mga nasawi sa COVID-19 na malapit nang maagnas.
Sa mga larawang ipinadala ng isang impormante, ang mga bangkay na nagsisimula na umanong mabulok ay nakasilid sa mga body bags at iniwan sa ground floor ng Annex building ng Quezon Medical Center.
Matatagpuan din sa ground floor ang silid na ginagamit para sa CT scan, 2D echo at blood bank kaya’t nangangamba na ang ilang empleyado at iba pang COVID-19 patient.
Inirereklamo na ng mga empleyado at pasyente ang anila’y umaalingasaw na amoy ng mga bangkay na matagal ng naka-tengga sa pasilyo ng ospital.
Nagpatawag na ng pulong si Governor Danilo Suarez kaugnay ng sitwasyon sa ospital pero wala pang malinaw at kongkretong solusyon na nailatag.
Sa DILG-DOH Joint Memorandum Circular 1 series of 2020, hindi maaaring patagalin ng higit labing-dalawang oras ang labi ng pumanaw sa COVID-19 bago sunugin o i-cremate dahil sa lubos itong nakapanghahawa.—sa panulat ni Drew Nacino