Pinaalalahanan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga mambabatas sa ipinangako nilang tatlumpung (30) milyong pisong pabuya para sa pagsuko ng mga suspek sa pagpatay kay Ako – Bicol Party-list Rodel Batocabe.
Sa isang pagtitipon sa Lucena City, Quezon kahapon, sinabi ng Pangulo na naibigay na niya ang dalawampung (20) milyong pangako niya habang ang mga mambabatas ay nanatili pa ring tikom ang kanilang mga kamay pagdating sa pera.
Hinimok ng pangulo ang mga mambabatas na tuparin ang kanilang naipangako lalo pa’t mabilis na naresolba ang kaso.
Nagpaliwanag naman ang Kamara sa umano’y naantalang pagkakaloob ng 30 milyong pisong pabuya na kanilang ipinangako para mabilis na matukoy ang mga suspek sa pagpatay kay Ako Bicol Party-list Rep. Rodel Batocabe.
Ayon kay Negros Occidental Representative Alfredo Benitez, hindi pa nakukumpleto hanggang sa ngayon ang mga halagang ipinangako ng iba’t ibang mga kongresista.
Nilinaw naman ni Benitez na 13 milyon lamang ang manggagaling sa Kamara habang ang labing limang (15) milyong piso naman ay mula sa Ako Bicol Partylist at 2 milyon naman ay ambag ng probinsya ng Albay.
Matatandaang pumalo sa 50 milyong piso ang reward money matapos itong dagdagan ni Pangulong Rodrigo Duterte ng 20 milyong piso.
—-