Posibleng big time ang Chinese national na naaresto sa buy bust operation sa Pasay City na nakuhanan ng walong (8) milyong pisong halaga ng shabu.
Ayon kay Director Wilkins Villanueva ng Philippine Drug Enforcement Agency sa National Capital Region (NCR), ang suspect na si Nico Sy alias Davidson ang nagpapasok ng pera sa bangko o yung tinatawag nilang tiga linis ng pera.
Sinabi ni Villanueva na may mga isasagawa pa silang follow-up operations upang matukoy kung bahagi ng isang malaking sindikato si Davidson.
Si Davidson ay naaresto matapos magpanggap ang isang PDEA agent na bibili ng shabu na nagkakahalaga ng isang (1) milyong piso sa isang casino sa Pasay.
Maliban sa ibinenta sa PDEA agent, nakuhanan pa ng isang kilo ng shabu ang suspect at P250,000.00 cash.
Inaalam na ng otoridad kung legal ang pananatili sa bansa ni Davidson habang inihahanda ang kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
By Len Aguirre