Posibleng frame-up ang nangyari kay Col. Ferdinand Marcelino, miyembro ng Philippine Marines na nahuli sa drug raid ng PNP sa Sta. Cruz Manila.
Ipinahiwatig ni retired General Dionisio Santiago, dating boss ni Marcelino sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na maraming nasagasaan si Marcelino noong aktibo pa ito sa PDEA.
Ayon kay Santiago, kahit hanggang ngayon, may mga lumalabas pa ring mga paninira sa kanila ni Marcelino mula sa Alabang Boys.
Ang Alabang Boys ay grupo ng mayayamang kabataan na dinakip ni Marcelino noong 2008 sa isang drug bust operations.
“Hindi naman authorized si Marcelino mag-operate eh pero hindi bawal mag-verify, pinagtatakahan niya at nagduda din ako nang malaman ko na nabuksan nasusian nila yung laboratory, ang sabi nung isang operator bakit sila nakapasok? Ngayon ang naging explanation, yan palang taong nahuli na yan na kasama ni Marcelino, ginamit pala sa ilang major operations yan, so ang sense doon this is very dangerous, baka pinapasok siya doon kaya may susi siya, kasi normally nagpapapasok ka sa sindikato ng DPA eh, deep penetration agent.” Ani Santiago.
Ayon kay Santiago, kilala niya si Marcelino na passionate sa kanyang anti-drugs advocacy at hindi isang tradisyunal na intelligence officer dahil talagang personal itong nagsasagawa ng solong misyon.
Maaari anyang may naibigay sa kanyang impormasyon ang isa sa mga nadakip sa raid na nakilalang si Randy at naroon siya para i-validate ang impormasyon.
Posible rin aniya na nagamit si Randy na dating asset ng PDEA para ipahamak si Marcelino.
“Ang question, siya ba ang ginamit para ipahamak si Marcelino o co-incidental? na aksidente lang na merong nag-stakeout pagkatapos natiyempo pumasok si Marcelino, ang kuwento sa akin yung asset na yun ang sinundan, is it part of the drama? para huling-huli, timing eh, controversial person siya, and a lot of people matagal na siyang gustong idiin eh, alam mo may mga kaibigan namin na nagte-text buti nga nasakote siya.” Giit ni Santiago.
By Len Aguirre | Ratsada Balita