Nakatakdang magsagawa ng preliminary investigation ang Department of Justice o DOJ laban sa hinihinalang miyembro ng Islamic State na naaresto sa inuupahan nilang apartment sa Adriatico Street, Ermita, Maynila noong weekend.
Ayon kay Senior Assistant State Prosecutor Peter Ong, nakipagpulong na sina Fehmi Lassqued at kinakasama niyang si Anabel Moncera sa kanilang mga abogado mula sa Public Attorney’s Office o PAO para gumawa ng waiver para sa kanilang arbitrary detention at ituloy ang imbestigasyon.
Magugunitang kinasuhan ng pulisya sina Lassqued at Moncera ng mga kasong paglabag sa comprehensive firearms and ammunition regulations act at illegal possession of explosives sa ilalim ng Republic Act 9516.
Kahapon, muling humarap sa inquest proceedings ng DOJ ang dalawa kung saan, inamin ni Lassqued na peke ang ginamit niyang Tunisian passport sa kadahilanang nagkakaproblema umano siya sa kanilang bansa.
Pero mariing pinabulaanan ni Lassqued na konektado siya sa international terrorist group na ISIS at iginiit na planted o itinanim lamang ng mga awtoridad ang lahat ng mga ebidensyang nasamsam sa kaniya.
—-