Nakiisa ang Taguig City Government sa PinasLakas Campaign ng DOH matapos mabakunahan ang 10,000 estudyante sa lungsod.
Sa pamamagitan ito ng School Tour: One Stop Shop bakuna para sa mga edad 5 hanggang 17 na taga -Taguig City sa gitna na rin ng full implementation ng face to face classes sa mga pampublikong eskuwelahan.
Ayon sa Taguig City Government, nasa 23 elementary at high school na ang nabisita ng nasabing vaccination drive simula pa noong August 15 kung saan kabilang na rin sa mga nabakunahan ay mga teaching at non-teaching personnel.
Tiniyak ng Taguig City Government ang tuluy-tuloy na pagdadala ng naturang vaccination campaign sa iba pang paaralan sa lungsod para na rin sa kaligtasan ng lahat.
Una nang nakipag-ugnayan ang Taguig City Government sa Department of Education – Division Office para mapalawig at mapalakas ang vaccination program para sa estudyante bilang paghahanda sa face to face classes.
Ipinabatid pa ng Taguig City Government nauubra pa rin namang magpa-bakuna hindi lamang ang kanilang mga residente kundi ang mga hindi taga-Taguig sa vaccination hubs mula Lunes hanggang Biyernes sa Lakeshore Vaccine Information Center, Venice Grand Canal Mall at Bonifacio High Street bukod pa sa lahat ng Barangay Health Centers sa Taguig City.