May pag-asa pa ang kampo ni dating Senador Ferdinand Bong-Bong Marcos Jr., hinggil sa nabasurang electoral protest nito laban kay Vice President Leni Robredo.
Ito’y ayon kay Supreme Court Chief Justice Diosdado Peralta makaraang ibasura ng presidential electoral tribunal ang inihaing protesta ni Marcos laban kay Robredo dahil sa kawalan ng sapat na ebidensya.
Ayon kay Peralta, maaari pang umapela ang kampo ni Marcos sa pamamagitan ng paghahain nito ng motion for reconsideration sa high tribunal na siyang umuupo bilang PET.
Gayunman, hindi maipaliwanag ni Peralta kung paano nito maaapektuhan ang nalalapit na halalan sakaling gawin nga ng kampo ni Marcos ang gayung apela.
Magugunitang inanunsyo na ni marcos ang kaniyang interes na tumakbong muli sa 2022 elections sa kabila ng pagkakabinbin ng kaniyang protesta.
Pero ngayong napagpasyahan na ito ng Korte Suprema, sinabi ni Peralta na hindi niya magagarantiya kung may bigat pa ang ihahaing apela ni Marcos gayung naghayag na ito ng kaniyang intensyong tumakbong muli sa halalan.