Iimbestigahan na rin ng Senado ang sinasabing kontrobersya sa pagbili ng Department of National Defense o DND ng dalawang barkong pandigma sa Philippine Navy na pinang-himasukan umano ni Special Assistant to the President Bong Go.
Sa Resolution 584 na inihain nina Minority Senators Franklin Drilon, Kiko Pangilinan, Antonio Trillanes IV, Risa Hontiveros, Bam Aquino at nakapiit na si Leila de Lima, ipinabubusisi ang estado ng Armed Forces of the Philippines o AFP modernization program.
Nakasaad sa resolusyon na ang pagpili ng DND sa South Korean firm na Hyundai Heavy Industries para bilhan ng barko kahit hindi ito ang lowest bidder.
Tinukoy din ang pagpili ng ahensya sa isa pang South Korean firm na sub-contractor ng Hyundai para mag-install sa mga frigate ng combat management system na pinakamahalagang component ng warship.
Magugunitang kinontra umano ito ng sinibak na si Vice Admiral Ronald Joseph Mercado, dating Navy flag officer-in-command na naggiit na dapat sa isang Dutch company nag-procure ng combat management system.
(Ulat ni Cely Bueno)