Pinatututukan ng Malacañang ang imbestigasyon sa nabunyag ng Bureau of Internal Revenue na pekeng tax stamps na umano’y ginagamit ng isang kumpanya ng sigarilyo .
Sinabi kahapon ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar, inatasan na niya ang APO Production Unit na makipagtulungan sa ginagawang imbestigasyon ng BIR laban sa Mighty Corporation.
APO lamang ang otorisadong mag-imprenta ng cigarette tax stamps.
Sinabi ni Andanar na mahigpit ang direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa BIR , Bureau of Customs, at iba pang ahensiya ng gobyerno na kasuhan ang mga kumpanya at mga negosyanteng nandaraya ng kanilang buwis .
Ayon kay BIR Commissioner Ceasar Dulay, mahigit Sampung Bilyong Piso ang nawawala sa gobyerno taun-taon dahil sa paggamit ng mga pekeng tax stamps.
By: Avee Devierte / Aileen Taliping