Sinisiyasat na ng militar ang naging pahayag ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar kaugnay ng aniya’y planong pag – atake ng teroristang grupong Daulah Islamiyah sa isang lungsod sa bansa.
Ayon Kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Acting Spokesman Colonel Edgard Arevalo, wala siyang hawak na impormasyon na magkukumpirma sa nasabing report mula kay Andanar.
Gayunman pagtitiyak ni Arevalo, nakabantay ang militar sa mga galaw ng mga terorista at patuloy ang koordinasyon ng iba’t ibang intelligence agencies sa bansa.
Kasabay nito, nanawagan ang militar sa publiko na makipagtulungan sa otoridad para mapigilan ang numang planong panggugulo ng mga terorista sa bansa.
Magugunitang inihayag ni Andanar na nakatanggap ang pamahalaan ng intelligence report kaugnay sa naturang pinaplanong pag – atake ng teroristang grupo na Daulah Islamiyah.
Base aniya sa impormasyon na nakarating sa Palasyo, konektado ang Daulah Islamiyah sa Maute at Abu Sayyaf terrorist group.
Sinabi pa ni Andanar, na hanggang sa ngayon nagpapatuloy ang recruitment activities ng Daulah Islamiyah group sa ilang lugar sa Mindanao.