Idineklara nang zona libre ni dating Senador Manny Villar ang Nacionalista Party.
Ayon kay Senador Antonio Trillanes, libre ang mga miyembro ng NP na mamili sa kanila ni Senador Allan Peter Cayetano kung sino ang susuportahan bilang Vice Presidential candidate sa 2016 elections.
Hindi inalis ni Trillanes ang posibilidad na maidagdag pa si Senador Bongbong Marcos sa mga miyembro ng NP na tatakbong Vice President.
Sa kabila nito, tiniyak ni Trillanes na maganda ang ugnayan nila ng kanyang mga kapartido.
“Sa akin nga po maganda ‘yan para makita po ng ating mga kababayan kung sino ang karapat-dapat sa posisyon, sila po ang magsusuri so mas marami yung choices, lahat naman po ay may kanya-kanyang iaalok sa ating bayan, sila po ang magpapasya.” Pahayag ni Trillanes.
Binay hearing
Samantala, pansamantalang ihihinto ng Senate Blue Ribbon Sub Committee ang imbestigasyon kay Vice President Jejomar Binay.
Ayon kay Senador Antonio Trillanes, may natitira pa silang isang hearing sa susunod na linggo bago pansamantala itong bitiwan upang bigyang daan ang paghahanda sa 2016 elections.
Sinabi ni Trillanes na hahayaan na muna nilang gumulong ang proseso sa mga kasong naihain na laban kay Binay at sa anak nitong si Makati City Mayor Junjun Binay.
Sa mga susunod na araw aniya posibleng may isa pang kasong maihain laban kay Binay.
“Ipapaubaya na natin siguro after that yung mga korte para umandar ‘yung proseso, within the next few days baka meron nang ifa-file sa korte na eh di panahon na po para ipaubaya sa korte ‘yun.” Dagdag ni Trillanes.
By Len Aguirre | Kasangga Mo Ang Langit