Iginiit ng CHR o Commission on Human Rights na hindi dapat bigyan ng special treatment ang dalawang nadakip na Russian nationals na sangkot sa iligal na droga sa bansa.
Ayon kay CHR Spokesperson Jacqueline de Guia, tama lamang na dumaan sa due process at magkaroon ng patas na paglilitis ang mga nasabing Russians pero dapat din aniyang maging patas ang trato sa mga ito.
Samantala, pinabulaanan naman ng Malakanyang na maituturing na special treatment ang pagbibigay ng komportableng kulungan at fair trial sa mga nasabing Russian drug suspects.
Giit ni Presidential Spokesperson Harry Roque, nararanasan din aniya ni Senador Leila de Lima ang sinasabing special treatment dahil hindi ito nakakulong sa city jail at bagkus ay may sariling kulungan.
Saad pa ni Roque, ang mga inihayag ng Pangulo ay kabilang sa mga hakbang para magkaroon ng malapit na relasyon sa Russia.
Matatandaang, nangako si Pangulong Duterte kay Russian Prime Minister Dmitri Medvedev sa kanilang bilateral meeting na bibigyan ng komportableng kulungan at patas na paglilitis ang dalawang Russian national na sangkot sa iligal na droga.