Binalewala ni Commission on Elections (COMELEC) Chairman Andres Bautista ang nag-leak na memorandum ng 6 na COMELEC Commissioners na bumabatikos sa anila’y bagsak ng liderato ng COMELEC Chairman.
Ayon kay Bautista, natugunan na at naayos na ang lahat ng mga nakasaad na reklamo sa memorandum ng 6 na COMELEC Commissioners.
Tinukoy ni Bautista ang sinasabi sa memorandum na kabiguan ng kanyang tanggapan na bayaran ang honoraria ng mga guro na nanilbihan noong eleksyon.
Hanggang nuong June 15 anya ay nasa 99.2 percent na ng mga nanilbihang guro noong eleksyon ang kanilang nabayaran.
Isa pang reklamo ng mga COMELEC Commissioners ang paniningil ng Robinsons Mall sa nagastos nila sa pagpapatayo ng voting booth para sa naunsyaming mall voting.
Ayon kay Bautista, naglabas na ng opinyon ang COMELEC Law Department na tama lamang ang paniningil ng Robinsons dahil gumastos naman sila sa hindi natuloy na mall voting.
Binigyang diin ni Bautista na mayroong basbas ang 6 na COMELEC Commissioners sa ginawa niyang pakikipag-usap noon sa Robinsons at iba pang malls sa bansa.
Kabilang sa mga commissioners na lumagda sa memo na bumabatikos kay Bautista sina Christian Lim, Luie Guia, Al Parreño, Arthur Lim, Rowena Guanzon at Sheriff Abas.
By Len Aguirre