Posibleng mabawian ng lisensya ang mga motorista sa viral video na nag counter flow at humarang sa isang ambulansyang may sakay na pasyente.
Ito ayon kay MMDA EDSA Traffic Head Bong Nebrija ay matapos niyang makausap ang hepe ng Highway Patrol Group (HPG) hinggil sa viral video.
Sinabi ni Nebrija na pinakamainam na gawin ay kasuhan ang mga driver ng mga sasakyan sa viral video dahil sa paglabag sa Land Transportation Act 4136 kabilang ang counterflow/reckless driving, obstruction, disregarding traffic sign at iba pa.
Dahil kita rin sa video ang plate numbers ng mga sasakyan, maaari naman itong gamitin ng LTO para magpalabas ng show cause order at uubrang maging basehan sa pagbawi ng lisensya ng mga driver.
Ayon pa kay Nebrija, bagamat mahabang proseso at magastos, puwede ring kasuhan ng pamilya ng pasyenteng sakay ng ambulansya ang mga driver dahil sa civil liability.
Binigyang diin ni Nebrija na base sa pag aaral, mahigit 20% ng mga pasyenteng nangangailangan ng emergency treatment ang nasasawi habang patungo ng ospital dahil sa mga uncooperative motorist.