Inaalam na ng Pasig City Police kung nakunan ng CCTV ang naganap na pamamaril sa isang motorista sa Rosario Bridge, kahapon.
Ayon kay Pasig City Deputy Chief, Sr. Insp. Robert Garcia, may nakalap na rin silang mga eyewitness account subalit sinusubukan pa nilang kumbinsihin ang iba pang testigo na magbigay ng pahayag.
Magugunitang pinagbabaril ng hindi nakilalang salarin na lulan ng itim na Toyota Innova ang driver ng Mitsubishi L300 van na si Richard Tuazon, residente ng Cainta, Rizal dahil umano sa away trapiko.
Samantala, itinuturing na ring suspek o accessory to crime ang driver ng Innova na kasama ng gunman.
Road rage
Isang lalaki ang patay matapos na pagbabarilin ng kapwa motorista dahil sa away-trapiko sa bahagi ng Rosario bridge, Pasig City, kahapon.
Kinilala ng Scene of the Crime Operatives ang biktimang si Richard Tuazon, driver ng World Class Laminated Incorporated.
Patungo sana sa Quezon City mula Maybunga, Pasig si Tuazon habang minamaneho ang Mitsubishi L300 van na may plakang URG 714 nang makagitgitan ang isang itim na Toyota Innova na may plakang APA-9824, pasado alas-12:00 ng tanghali.
Pagdating sa tulay ay agad pinagbabaril ng lalaking sakay ng Innova ang biktima na nagtamo ng tama ng bala sa kanyang ulo.
Makaraan ang pamamaril ay tumakas ang hindi pa nakikilalang salarin.
By Drew Nacino