Pinagbibitiw sa tungkulin ni Senador Panfilo Lacson kung sinuman ang nagbibigay ng maling impormasyon sa Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa mga bibilihing bakuna.
Sinabi ni Lacson na nakakasira sa Pangulo at maging sa bansa ang nag-report sa Pangulo na kasama ang Pilipinas sa hindi pagbebentahan ng European Union ng COVID-19 vaccine na AstraZeneca.
Dapat aniyang masibak ito para maisalba o maiiwas ang bansa sa international embarrassment.
Una nang nilinaw ng EU na exempted o hindi kasama ang Pilipinas sa paghihigpit nito sa mga bansang pagbebentahan ng bakuna at sa pamamagitan ng Covax facility ay makakatanggap ang bansa ng COVID vaccines para sa 20% ng populasyon nito at parating na sa ngayong buwan ang unang shipment nito.
Kasunod na rin ito ng galit na pahayag ng Pangulo na hino-hostage ng European Union ang bakuna ng British Swedish pharmaceutical company na AstraZeneca.