Sasampahan ng kasong libelo ng mga excutive ng PhilHealth ang dating Anti-Fraud Officer ng ahensiya na si Atty. Thorrsson Montes Keith.
Kasunod ito ng naging pahayag ni Keith kaugnay ng umano’y mafia na kinabibilangan ng mga matataas na opisyal ng PhilHealth na sangkot sa pagnanakaw ng P15-bilyong pondo ng ahensiya.
Ayon kay PhilHealth senior vice president on Legal Sector Rodolfo Del Rosario, ilang miyembro ng kanilang executive committee ang magsasampa ng kaso laban kay Keith sa kanilang personal na kapasidad.
Sinabi ni Del Rosario, marami silang nakitang kasinungalingan sa mga sinabi ni Keith.
Kabilang aniya rito ang akusasyong ibinulsa ng mga execom members ng PhilHealth ang nasa P15-bilyong pondo na mapabubulaanan naman sa pamamagitan ng mga ipinalabas na resibo sa interim reimbursement mechanism.
Iginiit pa ni Del Rosario, hindi maaaring i-invoke ni Keith ang legislative immunity sa isasampang kaso dahil binanggit nito ang kanyang mga kasinungalingan sa media.