Naniniwala ang National Press Club (NPC) na makatwiran lamang ang naging desisyon ng Securities and Exchange Commission (SEC) na kanselahin ang certificate of incorporation ng online media company na Rappler.
Ayon kay Paul Gutierrez, Pangulo ng NPC, hindi naging isyu sa desisyon ng SEC ang malayang pamamahayag sa bansa bagkus ito ay malinaw na pagsunod lamang sa batas.
Paliwanag ni Gutierrez, labag sa batas ang ginawa ng Rappler kung saan pinahintulutan nito ang isang foreign investor na Omidyar Network Fund LLC na kontrolin ang corporate matters ng kumpanya.
Malinaw aniya na nakasaad sa konstitusyon na dapat ay Pilipino lamang ang magkokontrol sa isang daang porsyento (100%) ng operasyon ng isang mass media entity sa bansa.
Iginiit din ni Gutierrez na tunay na nagmalabis ang Rappler nang payagan nito ang Omidyar na makibahagi sa kanilang operasyon kapalit ng isang milyong dolyar ($1-M) na investment.
Tiwala naman ang NPC na hindi makakaapekto ang kinakaharap ng Rappler sa kalayaan ng pamamahayag ng mahigit dalawang libo (2,000) pang media entities sa bansa.