Pinalagan ni Senate President Vicente Sotto III ang pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque na pasaway at palaban ang naging pagtrato ng mga senador kina Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez sa isinagawang pagdinig ng committee of the whole ukol sa vaccine rollout.
Ayon kay Sotto, imbento at kwentong kutsero lang ang sinasabi ni Roque ukol sa umano’y inasal ng mga senador sa pagdinig.
Giit ni Sotto, wala siyang natatandaan na bahagi sa pagdinig na tila nakikipag-away o pagsigaw sa pagtatanong ng mga senador sa mga resource person.
Kinuwestiyon tuloy ni Sotto kung talaga bang nanood si Roque ng dalawang hearing ng committee of the whole na tumagal ng halos tig-siyam na oras.
Kaugnay nito, umapela si Sotto kay Roque na mag-ingat sa mga binibitawang pahayag dahil dapat ang executive branch at senado ay humahanap ng mga paraan para malinawan sa publiko ang isyu ng vaccination roll out ng gobyerno.