Tuluyan nang pumalag ang mga kawani ng DSWD sa anila’y tila pagpa-power trip at pagiging confrontational ni Secretary Rexlon Ting Gatchalian laban sa mga manggagawa.
Kasunod na rin ito nang ikinakasang black protest ng Social Welfare Employees Association of the Philippines (SWEAP) Field Office 8 ngayong araw na ito.
Sa gitna na rin nang pag-rigodon sa hanay ng mga empleyado na kadalasang nagreresulta sa displacement ng mga ito lalo na sa permanent o regular employees.
Kapansin-pansin na karamihan sa mga empleyado ng DSWD Central Office ay nakisama sa hakbangin ng SWEAP FO8 nang magsuot ang mga ito ng kulay itim na damit ngayong araw bilang pagtuligsa sa anila’y walang katapusan paglilipat sa mga kawani sa iba’t-ibang Office, Bureau, Service Unit (OBSUS).
Pinuna din ng mga kawani ang araw-araw na paglalabas ng special orders para sa mga position o status ng ilan sa mga malalapit na bagong hirang na opisyal na anila’y nagdudulot ng kawalan ng kapanatagan sa hanay ng mga manggagawa at kadalasang naglalagay sa floating status ng mga naapektuhan.
Nitong Miyerkules, August 13 nang gulatin anila ni Secretary Gatchalian ang hanay ng assistant secretaries nang biglang pinagsumite ang mga ito ng courtesy resignation at binigyan ng ultimatum hanggang alas singko ng hapon noong araw din iyon na maaari anilang sagot ng kalihim sa pagkuwestyon ni House Deputy Minority Leader France Castro sa pagkakaroon ng 10 undersecretaries at 20 assistant secretaries at posibleng ang pagbibitiw ng assistant secretaries ay upang maipakitang may ginawang hakbang ang ahensya lalo pa’t nakatakdang sumalang sa plenary deliberation ng kamara ang dswd 2024 budget sa September 22.
Binabatikos din ng mga kawani ang pagiging confrontational ni Secretary Gatchalian mula nang maupo ito dahilan sa anila’y tahasang pamamahiya sa ilang regional directors, directors at ordinaryong empleyado samantalang itinuturong kasabwat ni secretary gatchalian sa pagpa-power trip sina Undersecretaries Pinky Romualdez, Edu Punay at Adonis Sulit.