Nasabat ng mga tauhan ng Philippine National Police o PNP ang aabot sa kabuuang 16 na milyong pisong halaga ng ilegal na droga.
Ito’y matapos ang pinagsanib na operasyon ng pulisya at ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA sa Brgy. Abut, Bayan ng Quezon, lalawigan ng Isabela.
Batay sa ulat ni Police Regional Office 2 Director P/BGen. Crizaldo Nievez kay PNP Chief P/Gen. Debold Sinas, dalawa sa mga naarestong suspek ang nagpositibo sa pagbebenta ng dalawang brick ng Marijuana na nagkakahalaga ng P31,000 sa mga awtoridad.
Nagtangka pang tumakas ang mga suspek na kinilalang sina Anwar Sindatoc na taga-Las Piñas City at Elson Cabunyag na taga port area sa Maynila sa mga ikinasang checkpoint ng pulisya subalit agad ding nadakip kalaunan.
Agad dinala sa PNP crime laboratory ang mga naarestong suspek para isailalim sa drug test habang nasa kustodiya na ng PDEA region 2 ang mga nasabat na ebidensya.