Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na may mananagot sa paglabas sa merkado ng processed food products na may African Swine Fever (ASF).
Inaantay na ng Food and Drug Administration (FDA) ang paliwanag ng Mekeni Food Corporation matapos magpositibo ang kanilang hotdog at skinless longganisa sa ASF.
Ayon kay Assistant Secretary Noel Reyes, spokesman ng DA, inaalam na rin ng FDA kung sinu-sino ang mga nagsu-suplay ng raw materials sa Mekeni upang matukoy ang pinagmulan ng ASF.
Posible aniyang local supplier ang pinagmulan dahil nagnegatibo sa ASF ang mga sinuri nilang imported na raw materials ng Mekeni mula sa U.S., France at Canada.
Kakasuhan po ‘yan, malamang, kasi bawal po ‘yan. Ang violators po ng gumagamit ng mga may sakit na baboy, kahit na anumang hayop na kinatay na may sakit ay punishable by law,” ani Reyes.
Samantala, binibilisan na ng DA ang National Zoning Plan upang mas makontrol ang pagbiyahe ng mga baboy at hindi na makalabas pa ang virus sa mga lugar na apektado na sa ngayon.
Sinabi ni Reyes na sa ngayon ay nasa Rizal, Bulacan at Pampanga pa lamang naman ang ASF.
Nagkakaroon na po tayo ng culling operation, cleaning and disinfection, kaya nga po nananawagan kami sa mga ASF-declared area na huwag nang itago ang baboy nila, issurender po,” ani Reyes. —sa panayam ng Ratsada Balita