Nagbabala ang Philippine National Police (PNP) anti-cybercrime group (ACG) sa pubiko hinggil sa naglipanang ‘crypto-currency’ scam sa social media na nanloloko sa investors.
Hinihikayat ng mga scammer ang kanilang mga biktima na mamuhunan sa pekeng “crypto investments” sa pamamagitan ng isang crypto application.
Sa oras na mai-download ito maaring ipasok ang investment sa iba’t ibang digital wallet na nakalista sa application at makikitang nakaka-engganyo ang halagang puwedeng kitain ng mga nag-download na app.
Ngunit kapag gusto nang i-cash out ng investor ang kanyang kita— hindi na ito pahihintulutan ng application na i-withdraw.
Samantala, nagpaalala naman ang ACG sa mga nais na mag-invest online na tingnan muna sa website ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang mga listahan ng mga regulated virtual asset service providers (VASP) upang hindi ma-scam. —mula sa ulat ni Tina Nolasco (Patrol 11) sa panulat ni Jenn Patrolla