Kinumpirma na isang drug personality ang nagmamay-ari ng ilang bahagi ng katawan na iniwan sa harapan ng National Bureau of Investigation (NBI) office sa Bacolod City.
Matatandaang kamakailan, nadiskubre ang isang sako kung saan nakalagay ang dalawang braso, dalawang tenga, at kaliwang hita ng isang lalaki sa harap ng NBI Office sa Aguinaldo St.
Ayon kay NBI Bacolod City chief Renoir Baldovio, nakilala nila ang may-ari ng chinop-chop na katawan dahil sa mga lead na ibinigay sa kanila ng informant.
Gayunman, hindi muna pinangalanan ang biktima dahil patuloy pa rin ang kanilang ginagawang verification mula sa technical division ng NBI Manila.
Pinaghihinalaang pananakot ang motibo sa likod ng krimen upang ipatigil ang aktibong kampanya ng lungsod kontra sa iligal na pasugalan.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng Bacolod City Police Office (BCPO) sa naturang kaso.