Nagpakilalang fixer para sa recruitment ng PNP, timbog sa mnga tauhan ng Integrity Monitoring and Enforcement Group sa Taguig City.
Pinapurihan ni Philippine National Police o PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar ang Integrity Monitoring and Enforcement Group o IMEG.
Ito’y matapos maaresto ang isang babae na nagpapakilala umanong fixer sa mga aplikante sa pagka-Pulis para mabilis umanong makapasok sa hanay ng Pulisya.
Kinilala ni Eleazar ang suspek na si Evalyn Aleman na nanghihingi ng P30,000 hanggang P50,000 sa PNP applicant para makapasa ito sa PNP recruitment process.
Nabatid na nagsisilbing ahente ng Public Safety Savings and Loan Association Incorporated si Aleman na siyang namamahala sa mga benepisyo at loans ng mga Pulis.
Nabunyag pa na may koneksyon umano si Aleman sa PNP Health Service kung saan, nag-aabot umano ito ng 20,000 sa kakilalang Pulis para madoktor ang Pneuropsychiatric test ng mga aplikante.
Dahil dito, sinabi ni Eleazar na iniimbestigahan na nila ang alegasyon ng suspek lalo’t una rito ay nakapagpasok na umano siya ng recruit sa pamamagitan ng kaniyang raket.
Matatandaang kahapon lang ay inulunsad ng PNP ang paggamit ng QR code sa recruitment process ng mga nais maging Pulis para maiwasan ang kurapsyon at para matiyak na walang magiging palakasan o padrino.