Inaresto ng mga awtoridad mula sa National Bureau Of Investigation (NBI) —Special Operations Group ang isang lalaking nagpapanggap at gumagamit din ng pangalan ni Senador Christopher ‘Bong’ Go para makapangikil.
Ayon kay NBI OIC Director Eric Distor, kinilala ng kanilang tropa ang suspek bilang si John Carlos Pedragosa Garcia.
Paliwanag ni Distor, nag-mitsa ang pagkakahuli kay Garcia matapos na mag-reklamo ang isang nabiktima nito.
Sa salaysay ng biktima, nagpakilala ang suspek na umano’y konektado kay Senador Go.
Pero ito pala ang modus ng suspek para makapanloko at makapangikil ng malalaking halaga ng pera sa ilang mga negosyante sa iba’t-ibang mga lugar sa bansa na umabot na sa higit P6 milyong ang halaga.
Mababatid na noong Pebrero24, inilahad ng isang biktima na naloko rin ito ni Garcia at nakapangikil pa nga aniya ng P50,000.
Dahil dito, agad na umaksyon ang mga awtoridad bitbit ang warrant of arrest at dinakip ang suspek sa isang resort sa Bolinao sa Pangasinan.
Samantala, bukod dito, lumabas din sa record na may kinakaharap ding warrant of arrest si Garcia na inihain ng RTC sa lungsod ng mandaluyong para sa two counts ng estafa.