Binalaan ng Bureau of Immigration ang publiko laban sa mga scammer sa social media, partikular na sa facebook na nagpapanggap bilang mga empleyado ng kanilang ahensya.
Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, nakatanggap sila ng mga ulat na may mga nagpapanggap na empleyado ng ahensya na nag-aalok ng tulong sa mga overseas worker na ilegal na umalis patungong Japan at Middle East.
Sa katunayan ay ginamit pa ng mga scammer ang social media photos ng isa sa alien control officer ng BI upang gumawa ng fake account at mag-alok ng serbisyo sa ilang facebook group.
Nasa kabuuang 670,000 pesos anya ang tinangay umano ng mga scammer mula sa ilang biktima.
Hinimok naman ni Morente ang mga biktima na agad i-ulat ang anumang pagtatangka ng mga scammer at hangga’t maaari ay iwasan ang pakikipag-transaksyon sa mga ito lalo kung kaduda-duda ang kanilang pagkakakilanlan.