Hindi napigilan ni Vice President Leni Robredo na ilabas ang pagkadismaya sa tila pagwawalang bahala umano ng pamahalaan sa mga nangyayaring patayan sa ilalim ng war on drugs.
Ayon sa pangalawang pangulo, nakahihiyang malaman na mas may malasakit pa ang ibang bansa sa estado ng mga patayan sa Pilipinas kaysa sa mismong pamahalaang sumasaklaw dito.
Ginawa ni Robredo ang pahayag kasunod ng inihaing resolusyon ng bansang Iceland sa United Nations Human Rights Council para imbestigahan ang umano’y tumataas na bilang ng mga nasasawi dahil sa anti-illegal drive ng adminstrasyong Duterte sa nakalipas na 3 taon.
Dagdag pa ng pangalawang pangulo, nakababahala aniya sa Pilipinas na tila normal na lamang sa araw-araw ang pagpatay lalong lalo na sa mga lugar na may mataas na antas ng paglabag sa karapatang pantao.