Tinatayang 6 na milyong pisong halaga ng matataas na kalibre ng baril at bala ang nakumpiska ng mga awtoridad sa Brgy. West Crame, San Juan City.
Ang mga nasabing armas na iprinisinta sa media ni PNP Chief Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa ay binili umano ng mga miyembro ng Abu Sayyaf na nasa Metro Manila na noon pang isang buwan.
Sinabi ni Dela Rosa na ang mga naturang baril ay nakumpiska ng CIDG sa mga suspek na sina Unding Kenneth Isa, Hja Risdimona Isa, Aljamer Akarab Mandih at Hurbin Alhi Sahibul.
Kabilang sa mga armas na ito ang limang M4 with M203 grenade launcher, anim na M79 grenade launcher, dalawang M14 rifle, tig-isang AR15 rifle at .45 caliber na may dalawang magazine at mga bala.
Ayon kay ATCU Chief Police Inspector Roque Merdegia, Jr., July 2016 pa nang lumapit sa kaniya ang isang informant hinggil sa gun running activities ni Kenneth kasama ang isang nagngangalang Wahid.
Sina Kenneth at Wahid ay tubong Indanan, Sulu at lider ng grupong nagsu-supply ng matataas na kalibre ng baril sa Abu Sayyaf, war lords at ibang pulitiko sa ARMM.
Supplier
Iniharap sa media ni PNP Chief Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa ang umano’y supplier ng matatas na kalibre ng armas at bala ng Abu Sayyaf Group.
Kinilala ni Dela Rosa ang suspek na si Unding Kenneth Isa, umano’y negosyante ng tela na dumating sa Metro Manila noon pang 2012 at naaresto noong Sabado sa isang raid sa bahay nito sa Brgy. West Crame, San Juan City o ilang kanto lamang mula sa bakuran ng Camp Crame.
Kasagsagan umano ng eleksyon noong Mayo nang maging aktibo ang suspek na si Kenneth sa gun running activities kung saan tumakbo itong bise gobernador ng Sulu subalit natalo.
Tumanggi naman ang suspek na sagutin kung galing sa kaniyang iligal na gawain ang pondo na ginamit niya noong kampanya.
Contact from the government
Iniimbestigahan na ng PNP kung sino ang kontak mula sa gobyerno nang naarestong supplier umano ng Abu Sayyaf Group.
Sinabi ni PNP Chief Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa na kumpirmadong galing sa government arsenal o pag-aari ng gobyerno ang libu-libong mga bala na nakumpiska ng PNP mula sa susperk na si Unding Kenneth Isa.
Inihayag ni Dela Rosa, malabong mabili ng legal ng sinumang sibilyan ang mga nasabing klase ng armas at bala.
Ito ayon kay Dela Rosa ay kayat pinatutukoy na niya sa CIDG Director kung saan galing ang mga nasabing armas batay na rin sa serial number nito.
By Judith Larino | Jonathan Andal (Patrol 31)