Ibinunyag ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre na sina dating Senator Jamby Madrigal at Cong. Linlin Alonte ang umano’y nasa likod ng tangkang panunuhol sa mga bilanggo ng NBP o New Bilibid Prison.
Isang daang (100) milyong piso bawat isa ang sinasabing alok ng dalawang pulitiko kapalit ng pagbawi ng mga pahayag ng mga Bilibid inmate laban kay Senator Leila de Lima.
Ayon sa ulat ng GMA News, inihahabol umano na mabawi ang mga pahayag ng mga bilanggo laban kay De Lima bago ang EDSA Anniversary bukas, Pebrero 25.
Kabilang sa mga high-profile inmate na umano’y tinangkang suhulan ay sina Herbert Colanggo, Engelberto Durano, Vicente Sy, Jojo Baligad at Peter Co na kapwa naglabas ng testimonya laban kay De Lima hinggil sa illegal drug trade sa national penitentiary.
Sinisikap ng DWIZ na makuha ang panig nina Madrigal at Alonte hinggil sa naturang isyu.
By Jelbert Perdez