Kailangang palitan at baligtarin nang buo ng administrasyong Duterte ang mga ipinatutupad nitong polisiya.
Ito ay ayon kay Bayan Muna Partylist Representative Carlos Isagani Zarate ang paraan para makabawi ang Pangulong Rodrigo Duterte sa malaking ibinababa ng kanyang trust at satisfaction rating.
Giit ni Zarate, dapat itigil na ng administrasyong Duterte ang aniya’y mapaminsalang mga giyera laban sa mga mamamayan partikular sa mahihirap tulad ng ‘war on drugs’ at banta ng martial law.
Sa halip aniya ay dapat pagtuunan ng pansin ang kalam ng sikmura ng mga ordinaryong Pilipino tulad ng trabaho at omento sa sweldo.
Ani Zarate, inaasahan na din ito dahil sa kabiguan ng Pangulo na matupad ang mataas na expectation na itinakda nito noong eleksyon tulad ng ipinangakong pagbabago.
Kapag hindi ito na-reverse draw, sa tingin ko mas lalong sasadsad, especially dun sa continuous mass support kay Pangulong Duterte nung tumakbo siya dahil ang ina-address niya dun ‘yung mahihirap na mamamayan.
Pero ngayon nga, pagkatapos ng isang taon, nagtatanong na ang mamamayan, “Saan ‘yung pagbabagong ipinangako mo?”.
Dahil kung titingnan mo, oligarchs pa rin ang nakikinabang, magkaiba lang siguro ‘yung mga mukha pero ‘yung iba andyan pa rin, may mga bago pero ‘yung uri pa ring iyon ang nakikinabang sa sinasabi nilang ‘pagbabago’ dito sa ating bansa ngayon.