Burado na ang Ninoy Aquino International Airport o NAIA sa listahan ng worst airports.
Sa survey na inilabas sa ‘The Guide to Sleeping in Airports’, kumawala na ang NAIA sa Top 20 Worst Airports sa buong mundo gayundin sa Top 5 Worst Airports sa Asya para sa taong ito.
Magugunitang ang NAIA ay nasa ika – limang puwesto sa World’s Worst Airports sa parehong survey na isinagawa noong isang taon.
Kasunod na din ito ng usapin ng laglag bala o pagtatanim umano ng bala ng mga tauhan ng airport para makakulimbat ng pera mula sa mga pasahero lalo na sa mga Overseas Filipino Workers o OFW.
Ang naturang usapin ay niresolba na sa unang isandaang araw ng Duterte administration.
Pagkaalis ng NAIA sa listahan ng worst airports sa buong mundo winelcome
Winelcome ni Transportation Secretary Arthur Tugade ang pagkakaalis ng NAIA sa listahan ng worst airports sa buong mundo.
Sinabi ni Tugade na ang positibong resulta ng travel website na www.sleepinginairports.net ay simula pa lamang nang tuluyang pagsasaayos ng sistema sa mga paliparan sa bansa lalo na sa NAIA.
Ayon pa kay Tugade, hindi sila dapat maging kampante dahil may mga bagay pang dapat gawin sa naia para mapabilang ito sa best airports sa buong mundo.
Ang NAIA ay idineklarang World’s Worst Airport mula 2011 hanggang 2013.