Matutuloy na ang rehabilitation project para sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ito ay makaraang aprubahan na ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang isinumiteng panukala ng NAIA consortium sa Department of Transportation (DOTr) matapos ilang beses marebisa.
Una nang isinumite ng consortium ang isang unsolicited proposal para sa rehabilitasyon ng NAIA noong Pebrero 2018 kung saan nagkakahalaga ang orihinal na kontrata ng P350B sa loob ng 35 taong concession period.
Gayunman ibinaba ng NAIA consortium ang halaga ng kontrata sa P102B para sa 15 taong concession deal.
Sinabi naman ni NAIA Consortium Spokesperson Jimbo Reverente na umaasa silang masisimulan na ang konstruksyon para sa pagsasaayos ng paliparan sa 2020 oras na makalusot na sila sa Swiss challenge o bidding ng iba pang kumpanya.