Tiniyak ng Manila International Airport Authority o MIAA na nakahanda na sila sa inaasahang pagdagsa ng mga pasaherong pabalik at paalis ng bansa ngayong holiday season.
Ayon kay MIAA General Manager Ed Monreal, ipagpapatuloy lamang nila ang mga hakbang na kanilang ipinatupad noong panahon ng Pasko nang nakaraang taon.
Inaasahan din ni Monreal na magiging maayos at mapayapa ang kanilang magiging paghawak sa mga dadagsang pasahero.
“Yung mga leave po ng ating mga kasamahang security will be on hold from December 10 until January 5 next year, may karagdagan din tayong mga tauhan para-i-augment ang kanilang current manpower, we’re expecting a smooth handling ng ating mga kababayan, unless may malaking aberya na hindi natin expected, sa ngayon okay ang ating mga paliparan.” Ani Monreal
Kasabay nito, pinaalalahanan ni Monreal ang mga pasaherong pabalik ng bansa ngayong holiday na mag-ingat sa mga mapagsamantalang mga taxi drivers.
“Kami po’y nakikiusap na kailangan maging mapagmatyag tayo, marami pa rin ang mapagsamanta na minsan ay makikipag-kontrata, sasabihing taxi ang iyong sasakyan pero hindi nman taxi, ang aking paki-usap sana makipag-ugnayan lang sila sa accredited transport agents, tuluy-tuloy ang ating pagsita at paghuli.” Pahayag ni Monreal.
(Balitang Todong Lakas Interview)