Nakapagbigay ang Social Security System (SSS) ng kabuuang P236.3-B na halaga ng mga benepisyo mula Enero hanggang Nobyembre ngayong taon.
Sinabi ng SSS na ang halagang ibinayad ay sumasalamin sa 13.2% na year-on-year na paglago mula sa P208.8-B sa mga disbursement ng benepisyo na naitala noong Enero hanggang Nobyembre 2021.
Ayon kay SSS President at CEO Michael Regino, ang pagtaas ng disbursement ngayong taon ay bunsod ng pagtaas ng bilang ng benefit claims, bilang ng mga miyembro at pensiyonado, at halaga ng mga inilabas na benepisyo para sa pagreretiro, kapansanan, at kamatayan.
Mula 2016 hanggang 2021, ang halaga ng mga disbursement ng benepisyo at ang bilang ng mga claim ay tumaas din ng average na 11.4% at 7.9%, sa kabila ng 1% na pagbaba sa parehong taon noong 2020 dahil sa pandemya ng COVID-19.
Simula Enero 2023, tataas ng 1% ng SSS ang contribution rate nito, na magiging 14% mula sa dating 13%. —sa panulat ni Hannah Oledan