Nakapagtala ng mahigit 400 bagong kaso ng COVID-19 sa hanay ng Philippine National Police (PNP) sa nakalipas na magdamag.
Batay sa pinakahuling datos ng PNP Health Service, nasa 422 ang naitala nilang bagong kaso ng COVID-19 sa PNP kaya’t sumampa na sa 36,323 ang kabuuang bilang nito.
Sa nabanggit na bilang ay aabot sa 2,501 ang aktibong kaso na kanilang naitala habang 174 naman ang bagong gumaling sa sakit kaya’t umakyat na sa 33,714 ang total recoveries habang wala namang naitalang bagong nasawi.
Ayon kay Administrative Support to COVID-19 Operations Task Force o ASCOTF Commander at Deputy Chief PNP for Administration P/LtG. Joselito Vera Cruz, ito na aniya ang all time high na bagong COVID cases na kanilang naitala sa loob lang ng isang araw.
Pinakamarami aniya sa mga nadagdag na bagong kaso ng virus ay nagmula sa National Capital Region Police Office o NCRPO na may 214 sa kabila naman ng pagiging fully vaccinated ng lahat ng mga tauhan nito. - ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)