Bumaba ang naitalang firecracker-related injuries ng Department of Health (DOH) mula December 21, 2022 hanggang January 1, 2023.
Sa datos ng kagawaran, naitala ang 137 na kaso ng fireworks-related injuries kung saan, mas mababa ito ng 15% sa naiulat na 162 cases sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Ayon kay DOH Officer-in-Charge Undersecretary Maria Rosario Vergeire, bumulusok ang bilang ng mga nasugatan dahil sa paputok sa Cordillera Administrative Region (CAR), Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon, Western Visayas at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Ipinunto ng opisyal na nakatulong sa pagbaba ng mga kaso ang ipinatupad na ordinansa ng mga local government units kaugnay sa paggamit at pagbebenta ng firecrackers at pyrotechnics.
Gayundin aniya ang kooperasyon ng publiko sa pag-iwas na gumamit ng mga paputok sa pagsalubong sa bagong taon.
Sa kabila nito, sinabi ni Vergeire na inaasahan nilang madadagdagan pa ang firecracker-related injuries sa pagtatapos ng kanilang monitoring sa January 6, 2023.