Pumalo sa P1.5 million ang halaga ng ari-ariang naabo matapos sumiklab ang sunog sa Nueva Vizcaya partikular na sa national highway, brgy. Quirino sa Solano.
Ito’y matapos lamunin ng apoy ang tatlong stalls na kinabibilangan ng isang food store, shoe repair shop at fruit stand.
Ayon sa mga otoridad, posibleng ang pinagmulan ng sunog ay ang sinindihang apoy ng lalaking may diperensiya umano sa pag-iisip na naninirahan sa isang bakanteng kwarto malapit sa tatlong stalls na nasunog.
Ayon sa nakakita, mabilis na tumakbo ang naturang lalaki papalayo sa silid na tinutuluyan nito na siyang pinagmulan ng apoy.
Kasama sa mga nasunog ang mga appliances, refrigerators, mga paninda at ilang computer sets matapos tumagal ng dalawang oras ang sunog bago naapula ng mga bumbero.
Sa ngayon, inaalam pa ng mga otoridad ang pagkakakilanlan sa suspek at kung ano ang motibo nito sa pagsunog.