Nakapagtala ng record low ang Bureau of Fire Protection – National Capital Region (BFP-NCR) sa mga naitalang sunog sa pagpapalit ng taon.
Ayon kay BFP-NCR Spokesperson F/Sinsp. Anna Rizza Celoso, mula alas-8 ng umaga ng Disyembre 31 ng 2020 hanggang alas-10 ng gabi ng Enero 1, aabot lang sa labindalawang sunog ang kanilang naitala.
Ang magandang balita pa nito ani Celoso ay walang kahit isa man sa mga naitalang kaso ng sunog ang may kinalaman sa mga paputok.
Kanila ring ikinatuwa ang mababang antas ng mga gumamit ng paputok sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Ipinagmalaki rin ni Celoso ang epektibo nilang kampaniya laban sa paggamit ng mga paputok bagay na kanilang ipinagpapasalamat naman sa publiko dahil sa kanilang pakikiisa.