Bumagal ang pagbaba ng mga naitatalang mga bagong kaso ng COVID-19 sa bansa.
Sinabi ni DOH Epidemiology Bureau Director Dr. Alethea De Guzman na nakapagtala ang bansa ng average na 4,183 daily new cases mula Oktubre 26 hanggang Nobyembre 1.
Mas mababa aniya ito ng 14% kumpara sa naitalang 4,886 average cases mula Oktubre 19 hanggang 25.
Aniya, ang negative growth rate sa mga kaso sa bansa ay posibleng maging positive kung magpapatuloy ang ganitong trend.
Sinabi pa ni De Guzman na isa sa mga posibleng dahilan sa pagbagal mga naitatalang bagong kaso ay ang pagluluwag ng ilang lugar sa kanilang active case finding.
Kaugnay nito, hinikayat ng opisyal ang LGUs na ipagpatuloy ang kanilang active case finding upang maiwasan ang pagdami ng mga kaso ng COVID-19. —sa panulat ni Hya Ludivico