Publiko na ang huhusga sa mga nakalap na impormasyon at dokumento ng senate blue ribbon committee sa imbestigasyon hinggil sa pagbili ng procurement service ng DBM ng medical supplies sa pharmally pharmaceutical corporation.
Binigyang-diin ito ni senador Panfilo Lacson sa harap nang pag testigo sa kamara ni dating PS DBM ngayo’y overall deputy ombudsman Warren Liong na walang overpricing sa pagbili ng medical supplies sa pharmally.
Ayon kay Lacson, ang mga record o dokumento ang makapagsasabing ‘di hamak na mas mataas ang presyo ng pharmally kumpara sa presyo ng ibang suppliers tulad na lamang ng face mask na sa local manufacturer ay P13.50 lang, subalit naglalaro sa P22 hanggang halos P28 ang presyo kada isa ng Pharmally.
Kinontra rin ni Lacson ang pahayag ni Liong na nasunod ang tamang procedure sa transaksyon sa Pharmally na ang P635,000 na capital ay taliwas sa nakasaad sa resolution ng government policy board na dapat legally, technically at financially capable ang kumpanyang makikipag-transact para sa pagbili ng common use supplies.
Lumilitaw rin aniyang kahit wala pang purchase order ay naka-deliver na ang pharmally sa gobyerno na patunay na mayroon silang koneksyon at mayroon nang impluwensya sa nasabing purchase.—mula sa ulat ni Cely Bueno (Patrol 19)